Hadith Tungkol sa Tunay na Pananalig sa Allah

قال رسول الله  s :  (لَوْ أَنَّكُمْ تَتَوَكَّلُوْنَ عَلَى اللهِ حَقَّ تَوَكُّلِهِ لَرَزَقَكُمْ كَمَا يَرْزُقُ الطَّيْرَ تَغْدُو خِمَاصًا وَتَرُوْحُ بِطَانًا) رواه ابن حبان, وصححه الألباني

Sabi ni Propeta Muhammad sallallahu alayhi wa sallam , "Kung kayo lamang ay nananalig sa Allah ng tunay na pananalig ay bibiyayaan Niya kayo katulad ng pagbibigay Niya ng biyaya sa ibon na umaalis ng maaga na walang laman ang tiyan at bumabalik na busog." [Iniulat ni Ibn Hibban, Hadith Sahih ayon kay Al-Albani]

Ang hadith na ito ng Rasulullah sallallahu alayhi wa sallam ay may kahawig sa kasabihan ng mga Pilipino na: "Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa." Kung saan ang hadith ay nagsasabi sa atin na ang tunay na pananalig sa Allah ay kailangang may kasamang gawa
katulad na lamang ng ibinigay na halimbawa ng Rasulullah sallallahu alayhi wa sallam na pag-alis ng ibon mula sa kanyang pugad upang ito'y maghanap ng makakain, at dahil sa pagsusumikap niyang ito at pananalig sa Allah ay binibiyayaan siya ng Allah at siya'y umuuwi ng busog at maaaring nakapag-uuwi pa ng pagkain para sa kanyang mga inakay. 

Hindi sapat ang paghingi ng biyaya sa Allah ng walang kasamang pagsusumikap. Para kang humihingi sa Allah na ihulog Niya mula sa langit diretso sa iyong bunganga ang Kanyang mga biyaya. Wala itong pagkakaiba sa paghingi mo halimbawa ng supling samantalang hindi ka naman nag-aasawa. O di kaya'y humihingi ng kapatawaran sa Kanya subalit patuloy ka sa iyong paggawa ng kasalanan.

Ang pananalig sa Allah ay kailangang may kasamang gawa. Minsan sa panahon ng Propeta sallallahu alayhi wa sallam ay may isang lalake na nagtanong sa kanya tungkol sa kanyang kamelyo kung itatali ba niya ito at mananalig sa Allah o pababayaan niya at mananalig sa Allah. Ang sagot sa kanya ng Rasulullah ay itali niya at manalig sa Allah. Ang kuwentong ito ay malinaw na nagsasabi sa atin na ang paggawa at paghahanap ng tamang paraan ay hindi nakakasira ng pananalig sa Allah bagkus ito ay bahagi nito.

Ang hadith na nasa pinakaitaas ay nagagamit minsan ng ibang Muslim sa maling pang-unawa kung saan iniisip nila na sapat ng manalig ka sa Allah at ikaw ay bibiyaan ng Allah. Na maaari ka ng hindi maghanap-buhay para sa iyong pamilya at bahala na ang Allah sa kanila. Ito po ay maling paraan ng pananalig. Ang tunay na pananalig sa Allah ay may kasamang gawa, paghahanap ng paraan at pagsusumikap.

Gayundin naman, hindi rin dapat samantalahin ng Muslim ang paghahanap-buhay kung saan dito na niya nailalaan ang kanyang buhay at nakakalimutan na niya ang Allah. Kailangang hindi maging sagabal ang kanyang hanap-buhay o trabaho sa kanyang mga obligasyon sa Allah katulad ng pagdarasal ng limang beses sa isang araw at mga paggunita sa Kanya.

Pakatatandaan na ang lahat ng biyaya ay mula sa Allah, at hindi rin dahil sa pansarili nating lakas. Tayo bilang alipin ng Allah ay walang kakayahan at lakas maliban lamang sa kakayahan at lakas na mula sa Allah.

2 comments: