Business: Paano Magtayo ng Laundry Shop?

Isa sa mga balak ipatayo ng aking kaibigan ay laundry shop insha Allah, at minsan na namin itong napag-usapan. Isa ito sa mga negosyong malayo sa haram na maaaring maitayo ng isang Muslim sa Pilipinas. Kaya naman ito ang kauna-unahang uri ng negosyo na aking naipost dahil kasalukuyan akong nagsasaliksik tungkol dito. Maraming uri ng laundry business ang maaaring maipatayo ng isang Muslim sa Pilipinas alang-alang lamang sa Allah. Nariyan ang dry laundry, home service laundry, coin operated laundry at laundry shop. Ang post natin na ito ay tungkol sa laundry shop, at narito ang mga tips na maaaring makatulong insha Allah sa mga nagbabalak magsimula ng ganitong uri ng negosyo.

1. Pag-isipan kung anong uri ng laundry shop ang iyong itatayo. Kung ito ba ay franchised o independent.
Maaari din namang bumili ka ng ibiniebentang laundry shop at palaguin ito. Ang average na puhunan para sa franchise na laundry shop ay nagsisimula sa Php 200,00 hanggang Php 400,000, sa ibang nabasa ko ay maaaring umabot ng Php 500,000, depende sa laki ng iyong laundry shop at ganda ng pasilidad. Ang pakinabang sa pagpili ng franchise ay siyempre dahil kilala na ito, may sinusunod na plano, at may management assistance. Sa independent business naman ay malaya ka sa pagpapatakbo ng iyong laundry business at hindi ka kontrolado ng rules and regualations ng iyong pinag-prangkisahan.

2. Kumuha ng lisensiya sa Department of Trade and Industry (DTI) kung sarili mo itong pag-aari at sa Security Exchange Commission (SEC) naman kung ito ay partnership. Kailangan mo ring magparehistro sa Bureau of Internal Revenue (BIR) para hindi ka makasuhan ng tax non compliance o hindi pagbabayad ng buwis sa gobyerno. Pero sa gobyernong Islam talaga ay bawal ang maningil ng buwis sa tao. Wala tayong magagawa dahil tayo ay nasa hindi gobyernong Islam. Kailangan mo ring magparehistro sa Department of Labor and Employment kung mayroon kang trabahador ng higit sa lima. Kailangan ding kumuha ng Barangay permit at Mayor's permit.

Hindi naman kahirapan ang pagkuha ng mga iyan basta't pursigido ka lamang at maagang pumunta sa kanilang mga tanggapan.

3. Maghanap ng magandang lugar, siyempre doon sa lugar na maraming potensiyal na magpapalaba at kaunti ang iyong kakompetensiya. At hindi lamang ito ang dapat isaalang-alang kundi kailangan mo rin isaalang-alang kung tuluy-tuloy ba ang kuryente rito dahil nga may ilang lugar sa Mindanao ang paputul-putol ang kuryente. Gayundin ang suplay ng tubig sa lugar na iyon, pero maaari ka rin namang magpatayo ng electric water pump para kuryente na lang ang iyong poproblemahin insha Allah. Ang lugar din na iyong pagtatayuan ay tingnan mo rin kung ito ba ay ligtas lalo't mula sa mga pagbaha, pagkaguho ng lupa, o pagkasunog dahil alam naman natin na ang ating bayan ay natatamaan ng mga ganitong kalamidad at sakuna. Wal iyadhu billah (Nawa'y iligtas tayo ng Allah mula rito.) Amin. At bago mo bilhin o upahan ang lugar ay siguraduhin mong wala itong gusot. Dahil baka may nakakontrata na rito o naisanla sa iba o may ilegal na gawain doon.

Ang lawak ng espasyo na maaari mong kakailanganin sa pagtatayo laundry shop ay mga 1,500 hanggang 5,000 square feet.

At siyempre ung lugar na makakatipid ka ng upa. Pero kung minsan ay mas madali mong nababawi ang iyong puhunan at kikita ng mas malaki insha Allah kung inilagay mo ito sa siyudad kahit medyo mahal ang upa lalo't sa mga commercial complex. Kung may espasyo ka sa iyong bahay ay pwede rin naman na doon mo ipatayo.

4. Kumuha ng mga kagamitan at produkto katulad ng washers, dryers, ironing tables, dry cleaning machines, sabong panlaba at fabric softener. Ito siyempre ang mga pangunahing kagamitan sa isang laundry shop. Ang mga ibang kagamitan ay maaari mong matuklasan habang lumalaon katulad ng cash register, calculator, plastik, sasakyang o tricycle o bisikletang pandeliver. Kung brand new ang mga gamit ay mas less ang maintenance insha Allah at siyempre may warranty. Sa sabon at fabric softener ay hindi kailangang yaong mga mamahaling branded meron naman mahahanap na mga mumurahin at quality ang resulta. At siyempre kumuha ng suki na pagkukuhanan para may discount ka at whole sale ang pagbili, at sila na ang maaaring magdeliver sa iyo para tipid oras din.

5. Kumuha ng mga empleyado, yaong mga mapagkakatiwalaan at masipag na manggagawa at may kaalaman sa iyong negosyo. Kailangan din na hingan mo ng NBI certificate ang iyong kukuning empleyado lalo't hindi mo kilala ang iyong kukunin upang mas makasigurado. Maaaring magsimula sa isa at tumulong ka na lang. Sa salary rate naman ay kung ano ang minimum salary sa inyong lugar. Pero mas mainam na kumuha ng mga kamag-anak dahil kilala mo naman sila at makakatulong ka pa sa kanila. Madali lang naman ang pagpapatakbo ng mga ganitong makina at maaaring matutunan sa maiksing panahon insha Allah, kasi wala namang mga teknik sa paglalaba kundi sunidin mo lang ang instructions ng makina. Kung ikaw ay nagprangkisa ay siyempre magbibigay sila sa inyo ng training, libreng training o kasama na iyon sa franchise fee na iyong babayaran. Pwede rin na ikaw na rin mismo at iyong pamilya ang maging mga trabahador dito kung wala ka ring ibang trabaho. 

6. Ipaalam sa iba ang iyong negosyo. Maaaring sa salita, text, flyers Facebook, Twitter. Maaari ring cuopons na may discounts. Maaari mong isabit ang iyong flyers sa mga bahay, student lodging, o sa mga hotel. Maaari ka ring kumontrata sa mga ibang establisyemento katulad ng parlor, barber shop, restaurant o hotel, maliban pa sa mga nagpapalabang indibidwal.

7. Kung kelan naman maibabalik sa iyo ang iyong puhunan ay depende siyempre sa magiging kalagayan ng iyong laundry shop. Maaaring sa loob ng isang taon insha Allah. Basta't samahan mo lang ng panalangin sa Allah ang iyong pagtatayo ng ganitong uri ng negosyo, maging mabuti sa iyong mga kostumer, on time na pagdedeliver o kapag pipick-upin na ng iyong kostumer, siyempre mas maaga mas maganda. Gayundin ay maging maayos, malinis, mabango at sulit ang kanilang ibinayad. Hindi mo kailangang magdagdag ng extra charge sa fabric softener, dapat ay kasama na iyon sa laba.
----------
Source: Nagbasa sa net at nagtanong rin at pinagsama-samang mga idea, Alhamdulillah. Pero dito ang malaking bahagi ng aking napagkuhanan.

4 comments:

  1. Salamat sa magandang post Admin, may share din sana po ako sa iyo about paano kikita ng pera online, I earn 34 dollars in just a week, hindi po ito Paid to click. Check mo na lang po, baka magustuhan mo. Salamat.

    ReplyDelete
  2. Salamat sa information.. kahit di ako muslim maiaaply ko to sa hanap buhay..
    You can also try to start save money for your future >> http://noypicool.blogspot.com/2014/06/how-to-save-money-from-salary.html

    ReplyDelete
  3. Good day I am planning to run a laundry business and I am positive that it will workout. Thank u for sharing ur ideas..

    ReplyDelete
  4. Good day I am planning to run a laundry business and I am positive that it will workout. Thank u for sharing ur ideas..

    ReplyDelete