Paano Maging Tricycle Operator?

Isa sa mga halal na mapagkakakitaan ng mga Muslim sa Pinas ay ang pagiging tricycle operator. Naranasan na namin ito dati at malaki ang naitulong nito sa aming pamilya, Alhamdulillah, di lang sa pang-araw-araw na gastusin kundi maging sa pag-aaral at mga bayarin. Mas mababa ang budget na kakailanganin dito kumpara sa pagiging taxi o jeepney operator. At mas madali mo ring masusubaybayan ito dahil limitado ang ruta at maaari ka ring makakuha ng dalawang tricycle sa puhunang pang-jeep o taxi. Yun nga lang ay mas maliit din naman ang kita. Kung mayron kang naipong humigit-kumulang P100,000 insha Allah ay makapagsisimula ka nito.

Maliban sa puhunan ay kailangan mo ring isaalang-alang ang pagpili ng driver kung hindi ikaw ang magmamaneho. Higit na mainam kung ikaw kung wala ka ring trabaho, o mga kamag-anak at kaibigan. At, siyempre kailangan matinong driver ang makuha mo at hindi loko-loko. Kung minsan kasi ay sa driver rin nagsisimula ang problema sa pagiging tricycle operator,  halimbawa'y kung di marunong mag-ingat ng tricycle kaya madalas masiraan, kaskasero at di malayong maka-aksidente, di marunong magbigay ng boundary, walang lisensiya, walang disiplina kaya namumultahan, o magkaroon ng kaaway dahil sa singitan at iba pa. Isa pa ay ang usapan sa pagbibigay ng boundary at ito ay magkakaiba depende sa lugar na natural ay mas mababa kung ikaw ay nasa probinsiya. Mainam siyempre na magtanong sa mga driver sa inyong lugar o doon mismo sa opisina ng TODA (Tricycle Operators and Drivers Association).

Mula sa pagbili ng tricycle kung brand new ba o second hand, pagpaparehistro, sa pagkuha ng prangkisa, o kung sarado na ba ung TODA sa linya, kung ang ruta ba ay maraming pasahero at ligtas, pagpili ng driver at pagmintina. Insha Allah lahat yan ay madali sa tulong ng Allah.

Basahin din ninyo ang mga links sa ibaba para sa karagdagang detalye, insha Allah ay makakatulong ang mga ito:

1 comment:

  1. Kristiyano man ako ngunit nagustuhan ko ang mga katagang "kumita sa paraang Halal." Sana magkaroon din ako ng sariling tricycle pampasada.

    ReplyDelete