Hadith Tungkol sa Pang-aagaw ng Kostumer

Isa ito sa mga patunay na ang relihiyong Islam ay hindi lamang relihiyon kundi kumpletong paraan ng pamumuhay. Hindi lamang ukol sa pagsamba sa nag-iisang Diyos kundi nagbibigay-gabay din sa ating pang-araw-araw na gawain kabilang na ang pagbebenta at pagbili. Sa kadahilanang bawat isa sa atin kung hindi man nakaranas magtinda ay sigurado akong lahat tayo'y nakaranas bumili. Ang paksa nating ito ngayon ay tungkol sa pang-aagaw ng kostumer. At narito ang sinabi ng ating mahal na Propeta Muhammad (sallallahu alayhi wa sallam) ukol dito:
(وَلاَ يَبِعْ بَعْضُكُمْ عَلىَ بَيْعِ بَعْضٍ) رواه مسلم
"At huwag ninyong bebentahan yaong nagbebentahan pa lamang." [Iniulat ni Muslim]

Ang binanggit na ito ng ating mahal na Propeta (sumakanya nawa ang kapayapaan) ay nagsasabi sa atin na bawal mang-agaw ng kostumer sapagkat ito ay hindi magandang gawain at nakakasira sa iyong kapwa. Kahit ikaw sa iyong sarili ay ayaw mong may umagaw ng iyong kostumer lalo't hindi pa natatapos ang inyong transaksyon.

Halimbawa'y kung kayo'y nasa palengke o tiangge at alam mong nagbebentahan ang katabi mong pwesto at hindi pa sila tapos magbentahan at bigla kang lumapit pagkatapos ay sinabi mong mas mura ang ibibigay mo sa kanyang presyo o sinasabi mong mas maganda ang iyong produkto keysa sa kanya ay hindi iyon maaari. Hindi rin maaari na magparinig ka habang sila ay nagkakaroon pa ng tawaran o diskusyon. Ang tamang gawain ay hintayin mo na tumanggi yaong mamimili at hintayin mong pumunta sa iyong pwesto o kung kayo ay parehas na naglalako ay maaari mo siyang alukin na bumili sa iyo pero huwag mong sisiraan ang naunang tindero o ang produkto ng unang pinanggalingan niya. Gayundin naman kung bumili na yaong kostumer dun sa isa ay hindi mo na siya maaaring alukin ulit maliban na lamang kung sa tingin mo'y kailangan pa niya ng isa pang katulad ng kanyang nabili. Bakit? Magbigay tayo ng partikular na produkto, halimbawa'y alam mong bumili ang kostumer ng cellphone doon sa katabi mong puwesto at inalok mo siya ulit samantalang sa tingin mo'y hindi na ito bibili ulit. Anong papasok sa kanyang isipan kung alukin mo siya ng mas mababang presyo o mas magandang deal katulad ng long warranty o free repair? Siyempre, maaaring pumasok sa isipan niya na mukhang nalugi ata ako doon sa una kong pinagbilhan at magsisisi siya kung bakit siya bumili doon. Maaari ring isipin niya na baka naloko ako ng unang tindero na yaon. At ang pinakamalala pa ay maaaring isauli niya ang nabili niya. At ang mga bagay na iyan ay hindi maiiwasan.

Samakatuwid, bilang isang matuwid na tindero o negosyante ay iwasan mong makagawa ng paraan na makakasama sa iyong kapwa. Gayundin naman sa pagbili ay huwag mong bibilhin ang bagay samantalang may nauna na sa iyong gustong bumili nito lalo't nag-iisa lamang ang produkto na iyon at sasabihin mong gusto mong bilhin sa mas mataas na presyo. Walang problema kung kayo ay nasa auction o bidding dahil yaon ay malinaw na kung sino ang may pinakamagandang presyo ang maaaring bumili ng nasabing produkto. Wala ring problema kung may mga katulad ang produkto na iyon dahil pwedeng iyon ang bilhin mo at hindi yaong gustong bilhin ng isang kostumer. Nangyayari kasi minsan, halimbawa'y sa isang ukay-ukay o garage sale na hindi naman ito kabilang sa auction o bidding, at karaniwan na isa lamang ang item na available ng partikular na produkto, kung saan may natatanging produkto na gustong bilhin ng higit sa isang kostumer. At kung sino ang naunang nakausap ng tindero ay hindi maaaring may sumingit na iba at sabihin na gusto kong bilhin yan sa ganitong presyo. Kailangan hintayin na matapos sila kung bibilhin ba ng kostumer o hindi. At kapag tapos na at hindi sila nagkasundo ay saka ka sumunod. At kung nabili naman ng kostumer na yaon ay mag-sabr (magpasensiya) ka na  at huwag pariringgan ang tindero na, "Kung sa akin mo binenta yun, bibilhin ko ng mas mataas na presyo." O mga katulad nitong kataga na maaaring panghinayangan ng tindero ang pagbenta niya doon sa nauna.

Sabi nga ni Propeta Muhammad (sallallahu alayhi wa sallam),
(وَلاَ يَسُمِ الْمُسْلِمُ عَلىَ سَوْمِ أَخِيْهِ) رواه مسلم
"At huwag makikipagtawaran ang Muslim habang nakikipagtawaran pa ang kanyang kapatid." [Iniulat ni Muslim]

Kay ganda talaga ng Islam at ng mga kautusan nito sapagkat nag-uutos ito ng mabuti at nagbabawal ito ng masama. Allahu akbar!

3 comments:

  1. salamat sa blog na ito..

    ReplyDelete
  2. MashaAllah! tunay ngang kay ganda ng ISLAM... hindi mo na kailangang mag-aral pa para magkaroon ng good manners or etiquette sapagkat tinuturo na lahat... ISLAM indeed is a "COMPLETE WAY OF LIFE". Alhamdulillah!

    ReplyDelete